Nakapagpiyansa na ang district engineer ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Batangas na nahaharap sa kaso matapos umanong magtangkang manuhol kay Batangas 1st District Representative Leandro Leviste.
Ayon kay Batangas Police Provincial Office spokesperson Lt. Col. Aleli Buaquen, naglagak ng piyansang P60,000 si DPWH Batangas 1st District Engineer Abelardo Calalo dakong ala-1:00 ng hapon nitong Huwebes.
Matatandaang inaresto si Calalo ng Taal Municipal Police Station noong nakaraang linggo.
Ibinunyag ni Rep. Leviste nitong Lunes na tinangka umano siyang suhulan ng opisyal ng halagang P3.1 milyon upang ihinto ang imbestigasyon kaugnay ng mga iregularidad sa ilang proyekto ng imprastruktura sa lalawigan.
Nahaharap si Calalo sa kasong direct bribery, paglabag sa Article 212 ng Revised Penal Code hinggil sa corruption of public officials, at Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Samantala, pansamantalang sinuspinde ng DPWH si Calalo habang iniimbestigahan ang insidente ng umano’y panunuhol.











