Pinirmahan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang batas na nagtatakda ng bagong petsa ng unang regular na halalan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM sa Setyembre 14, 2026.
Sa ilalim ng Republic Act 12317, ang unang regular election para sa Bangsamoro Government ay gaganapin sa ikalawang Lunes ng Setyembre 2026.
Upang maiayon sa national at local elections, ang mga susunod na halalan sa BARMM ay isasagawa na tuwing ikalawang Lunes ng Mayo simula 2031 at kada tatlong taon pagkatapos nito.
Ang mga unang halal na opisyal ng BARMM ay magsisilbi ng limang taon, mula tanghali ng Oktubre 30, 2026 hanggang tanghali ng Hunyo 30, 2031.
Mananatiling pansamantalang pamahalaan ang Bangsamoro Transition Authority habang nasa transition period, maliban kung sila ay papalitan ng Pangulo o mahalal sa ibang posisyon.
Gagamitin din sa halalan ang automated election system, katulad ng ginamit sa May 2025 national at local elections.
Inatasan ang Commission on Elections o Comelec na maglabas ng mga panuntunan sa paghahain ng certificates of candidacy, listahan ng mga nominado, at iba pang requirements, kabilang ang bagong schedule ng filing period.
Sasagutin ng Comelec ang mga gastusin para sa eleksyon, ngunit maaari ring magbigay ng karagdagang pondo ang Bangsamoro government.
Matatandaang ilang ulit nang naantala ang kauna-unahang Bangsamoro elections. Noong Enero, ipinagpaliban ito ng Comelec dahil sa mga legal at operational na isyu kaugnay ng pagkaantala ng redistricting law.
Noong Oktubre 2025, iniutos ng Supreme Court of the Philippines ang pagpapaliban ng halalan at idineklarang unconstitutional ang Bangsamoro Autonomy Acts 58 at 77.
Samantala, pinalawig ng Comelec ang deadline ng rehistrasyon at accreditation ng mga regional political parties at sectoral organizations hanggang Abril 6, 2026, dahil sa paggunita ng Eid al-Fitr at Holy Week.
Ayon kay Comelec Chairperson George Garcia, posibleng tumaas ng hanggang 25% ang gastos sa halalan dahil sa pagtaas ng presyo ng gasolina, lalo na’t dinadala sa pamamagitan ng dagat ang mga ballot machine at kanilang mga baterya.
Plano rin ng Comelec na simulan ang pag-imprenta ng mga balota mula Hunyo hanggang Hulyo 2026.










