Kumpiyansa ang Bayan Europe na matutuloy ang paglilitis kay dating Pangulong Rodrigo Duterte matapos ang apat na araw na confirmation of charges nito.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Bayan Europe Coordinator Kara Taggaoa, sinabi niya na natutuwa sila dahil naging maayos at sistematiko ang paglatag ng mga ebidensya ng prosekusyon.
Sa panig ng depensa, iginiit ni Taggaoa na walang nailatag na ebidensya na magpapatunay na walang nangyaring pagpatay sa ilalim ng war on drugs campaign ng administrasyong Duterte alinsunod sa direktang kautusan ng Pangulo.
Masakit din aniya para sa panig ng mga kaanak ng biktima ang ginagawang pagtanggi ng kampo ng dating Pangulo ang nangyaring patayan dahil ito ay nangangahulugang pagtanggi rin sa karapatan ng mga namatayan.
Samantala, magsasagawa naman ng serye ng pagtitipon ang Bayan Europe sa iba’t ibang syudad sa Europa kung saan nakabase ang maraming Filipino upang magsagawa ng diskurso at talakayan na may kaugnayan hindi lamang sa kaso ni Duterte kundi maging ang mga isyung kinahaharap ng Pilipinas.











