CAUAYAN CITY – Nadagdagan pa ang bilang ng mga bayan sa Isabela na apektado sa panibagong outbreak ng African Swine Fever o ASF.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Belina Barboza, Provincial Veterinary Officer ng Isabela sinabi niya na naidagdag sa listahan ang bayan ng Echague sa tatlong bayan na unang nagkaroon ng kaso ng ASF.
Ito ay kinabibilangan ng Angadanan, San Guillermo at San Manuel, Isabela.
Apektado sa bayan ng Echague ang barangay San Felipe kung saan inireport ang kaso ng sakit sa pamahalaang barangay na inireport naman sa municipal agriculture office.
Umabot sa apat na baboy ang na-cull ng Provincial Veterinary Office sa nasabing barangay.
Ayon kay Dr. Barboza, isa sa tinitingnang rason sa pagkakaroon ng kaso sa bayan ng Echague ay dahil sa technician na nagsasagawa ng artificial insemination.
Matatandaang nilawakan ang surveillance areas ng ASF at batay sa kanilang isinagawang test ay negatibo naman ang resulta ng mga blood samples na kinuha sa surveillance radius.
Batay sa kanilang monitoring walang nagreport ng bagong kaso ngayong linggo kaya sa tingin nila ay bahagyang kumalma ang sitwasyon.
Muli namang nanawagan ang Provincial Veterinary Office sa mga hograisers na kapag may mga napapansin nang nagkakasakit na baboy at may nakikitang sintomas ng ASF ay agad nang ireport sa kanilang tanggapan upang agad na makapagsagawa ng culling at maiwasan ang pagkalat ng virus.