CAUAYAN CITY- Pangkalahatan umanong mapayapa ang bayan ng Sta. Maria, Isabela dahil walang masyadong insidenteng naitatala sa nabanggit na bayan ayon sa mga kapulisan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Precil Morales, Deputy Chief of Police ng Sta. Maria Police Station, sinabi niya na kadalasang mga vehicular incidents lamang ang naitatala sa kanilang nasasakupan.
Aniya, hindi maiiwasan na mayroong mga naitatalang aksidente sa daan lalo na tuwing weekend at kung maulan ang panahon ngunit tiniyak naman niya na ginagawa ng mga kapulisan ang kanilang makakaya upang maiwasan ang paglobo ng bilang ng mga vehicular accident sa bayan ng Sta. Maria.
Pinaiigting aniya nila ang kanilang mga information dissemination sa mga motorista upang mapaalalahanan sila sa kahalagahan ng pagiging responsableng driver.
Samantala, bagama’t Drug Cleared Municipality na ang bayan ng Sta. Maria ay patuloy pa rin ang ginagawa nilang monitoring at pakikipag-ugnayan sa mga Barangay Anti-Drug Abuse Council upang mapanatili ang pagiging drug cleared municipality ng nabanggit na bayan.
Nitong taong 2025 ay matagumpay na naaresto ng kanilang hanay ang Most Wanted person na nahaharap sa kasong Carnapping habang nakapagpa-surrender naman sila ng dalawang indibidwal na mayroong mga hindi lisensyadong baril.
Maliban dito ay nakatakda naman nilang I-launch ang Project MARIA o Men Always Understand Individual Rights Against Violence na layuning bigyan ng sapat na kaalaman ang bawat indibidwal na makatutulong upang maiwasan ang paglaganap ng krimen.