CAUAYAN CITY- Naging matagumpay ang unang batch ng Co PEACE program ng 5th Infantry Division, Philippine Army.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Capt Ed Rarugal, Hepe ng Division Public Affairs Office ng 5th ID, sinabi niya na sa ngayon ay kasalukuyan nang nagtatrabaho ang nasa 39 na benepisyaro ng naturang programa na nagsipagtapos noong ikatlo ng Setyembre.
Lahat aniya sila ay nakapasa sa trade test kaya naman nasa Maynila sila ngayon para magtrabaho sa katuwang na kumpaniya ng 5th ID kung saan sila ay sumasahod ng nasa 675 hanggang 715 pesos depende sa kanilang field of specialization.
Maliban sa kanilang mga sahod ay mayroon ding ibinibigay na allowance ang kanilang kumpaniya at bayad din ang kanilang overtime.
Kapag sapat na ang kanilang karanasan sa pagtatrabaho ay mabibigyan sila ng pagkakataon na makapagtrabaho sa ibayong dagat.
Sa ngayon ay kasalukuyan na ang kanilang recruitment para sa second batch ng PEACE program para sa mga nasa edad 20-30 years old na kabilang sa nasasakupan ng 5th Infantry Division, Philippine Army.