CAUAYAN CITY – Ang pagbibigay pansin sa benepisyo at sahod ng mga Guro ang isa sa mga inaasahan ng Teachers Dignity Coalition sa State of the National Address ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Teachers Dignity Coalition Chairperson Benjo Basas, sinabi niya na aantabayanan nila ang mga ilalatag na usapin ng Pangulo sa kaniyang ikatlong State of the Nation Address o SONA may kaugnayan sa sektor ng edukasyon sa bansa pangunahin na sa umento ng sahod ng mga Guro.
Aniya, sa nakalipas na SONA ng Pangulong Marcos ay wala siyang na banggit sa mga benepisyo at umento sa sahod nilang mga Guro kaya umaasa sila na maihahanay ito ngayong taon.
Sa katunayan aniya, una na ring inihayag ng Department of Budget and Management o DBM na maaaring magkaroon ng umento sa sahod subalit hindi ito kalakihan.
Kung sakali man na maipatupad ay tatanggapin ito ng grupo bilang recognition ng pamahalaan sa kakulangan ng mga benepisyo para sa kanila, gayunman ipagpapatuloy nila ang pagsusulong sa makatarungang wage and benefit package.
Maliban dito ay hinihiling din nila sa Pangulo na mabigyan ng pansin ang pagkakaloob ng maayos na pasilidad para sa mga mag-aaral maliban sa pagpapagaan sa tungkulin o trabaho ng mga Guro para masigurong walang overworked at lahat ay makapag focus sa pagtuturo.
Huling punto ay ang maayos na pagpapatupad ng Matatag Curriculum na angkop sa Socio-cultural situation sa bansa maging ang pagpapanumbalik sa pagtuturo ng Philippine History sa High School.