Ibinabalik na sa kanyang puwesto bilang provincial director ng Benguet Police Provincial Office si Lt. Col. Lambert Suerte matapos siyang malinis sa isyu ng command responsibility kaugnay sa pagkamatay ni dating DPWH Undersecretary Catalina Cabral.
Sa ulat ng Philippine National Police (PNP), sinabi ni Acting PNP Chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na walang nakitang paglabag si Suerte matapos ang isinagawang regional internal investigation, kaya’t pinayagan na ang kanyang pagbabalik sa puwesto matapos ma-relieve noong Disyembre 22 at mag-leave dahil sa medikal na dahilan.
Samantala, pinanagot naman si Maj. Peter Camsol Jr., hepe ng Tuba Municipal Police Office, dahil sa mga procedural lapses sa imbestigasyon at haharap sa kasong administratibo. Nilinaw ng PNP na bagama’t may mga pagkukulang sa proseso, walang nakitang foul play sa pagkamatay ni Cabral batay sa forensic findings, CCTV footage, at mga testimonya ng saksi.
Dagdag ng PNP, sarado na ang kaso pagdating sa criminal liability, subalit ipatutupad ang mga hakbang sa internal accountability upang maiwasan ang kaparehong pagkukulang sa mga susunod na high-profile na kaso.











