Ramdam na ang pag-doble ng bentahan ng liquefied petroleum gas (LPG) sa lungsod ng Cauayan ngayong Pasko at papalapit na Bagong Taon.
Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo Cauayan kay Robinson John Calderon, negosyante, sinabi niya na tuwing buwan ng Disyembre ay inaasahang dodoble o maging triple ang bentahan ng LPG dahil sa mataas na demand at sa dami ng mga nagluluto ng handa para sa Pasko at Bagong Taon.
Sa ngayon, doble pa lamang ang kanilang sales at inaasahan pa itong madaragdagan sa mga susunod na araw.
Araw-araw din aniya ay may bumibili sa kanila na hindi bababa sa 10 customer. Bukod dito, hinahabol din umano ng mga customer ang pagpapalit ng luma at generic na cylinder, kaya tumaas ang kanilang benta.
Matatandaang naglabas ng abiso ang Department of Energy (DOE) at ilang kumpanya kaugnay ng regulasyon sa pagpapalit ng lumang tangke hanggang Disyembre 31 na lamang, dahilan kung bakit dagsa ngayon ang mga nagtutungo sa mga LPG distributor.
Bagama’t tumatanggap ng swapping, nilinaw naman niya na hindi araw-araw ay nakakapag-swap sila dahil dalawang kumpanya na lamang ang tumatanggap ng mga generic na tangke.
Inabisuhan ang mga residente na humabol sa swapping upang mapakinabangan pa rin ang kanilang mga tangke sa susunod na taon.
Sakali aniya na sa susunod pang linggo magpapalit ang mga residente, posibleng hindi na ito maisagawa dahil sa kakulangan ng mga bagong tangke.
Muli namang ipinapaalala sa publiko na sa pagpapalit o swapping ng generic cylinder, kinakailangang maghanda ng ₱170 para sa mga sirang foot ring at ₱350 para sa mga sirang swing, habang libre naman ito kung walang problema ang tangke.








