--Ads--

Balik-normal na ang bentahan ng live poultry products o manok sa Lungsod ng Cauayan, matapos ang naging mataas na demand nitong huling bahagi ng 2025 at pagdiriwang ng Bagong Taon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Christy Ramirez, isa sa mga chicken vendor sa lungsod, sinabi nitong bumawi ang kanilang bentahan noong Disyembre hanggang pagsalubong ng Bagong Taon. Gayunman, pagpasok ng 2026 ay muli umanong tumumal ang benta ng kanilang mga produkto.

Ayon kay Ramirez, halos wala namang naging pagbabago sa presyo ng manok, subalit ramdam ang paghina ng benta dahil mas pinipili na umano ng mga mamimili na i-budget ang kanilang pera, lalo na’t nagsimula na rin ang pasukan.

Isa rin sa mga tinitingnang dahilan ng mga nagtitinda ang kawalan pa ng ani o hindi pa cropping season, kaya’t mas nagiging maingat sa paggastos ang ilang mamamayan.

--Ads--

Dagdag pa rito, nakaapekto rin umano ang katatapos lamang na handaan noong kapaskuhan at Bagong Taon, dahilan upang marami ang said pa sa kanilang budget hanggang sa kasalukuyan.

Sa kabila nito, umaasa ang mga tindero at tindera ng manok sa lungsod na muling sisigla ang bentahan pagsapit ng mga buwan ng Marso hanggang Abril.

Sa kasalukuyan, naglalaro sa 130 hanggang 150 pesos ang presyo ng kada piraso ng Cal, depende sa laki. Ang BiCal naman ay nasa 330 hanggang 350 pesos kada piraso, habang ang mga manok na tanda o lalaki ay nagkakahalaga ng 550 hanggang 600 pesos bawat isa.