Mahigpit na babantayan ng hanay ng PNP at BFP ang mga business establishments na magbebenta ng paputok sa pagpasok ng buwan ng Disyembre.
Ayon kay PMaj. Fernando Mallillin, Deputy Chief of Police ng PNP Cauayan, mas lalo pang paiigtingin ng kanilang tanggapan ang inspeksyon at pagbabantay sa mga establisyimento at mga vendor ngayong papalapit ang holiday season, kung saan inaasahan ang pagtaas ng bentahan ng paputok.
Bukod sa BFP, kasama rin sa kanilang gagawing pag-iinspect ang mga tauhan mula sa business unit ng lokal na pamahalaan upang matiyak na sumusunod ang mga nagbebenta sa itinatakdang guidelines ng LGU at pambansang batas.
Nilinaw ni Mallillin na may nakatalaga lamang na lugar na maaaring pag-bentahan ng paputok at mayroon lamang ding klase ng paputok ang legal na ibenta, alinsunod sa mga probisyon ng Republic Act 7183 o ang Act Regulating the Sale, Manufacture, Distribution and Use of Firecrackers and Other Pyrotechnic Devices.
Dagdag pa niya, sakaling mahulihan ang isang vendor na nagbebenta ng ipinagbabawal na paputok o nagbebenta sa lugar na hindi awtorisado, maaari silang maharap sa kasong violation of RA 7183, na may kaparusahang multa mula ₱20,000 hanggang ₱30,000, pagkakakulong ng anim na buwan hanggang isang taon, o kanselasyon ng kanilang business permit depende sa bigat ng paglabag.
Nanawagan naman si Mallillin sa mga vendors na sumunod sa mga alituntunin hinggil sa pagbebenta ng paputok upang maiwasan ang anumang aberya, lalo na ang posibleng sunog o aksidente.
Aniya, ang mahigpit na pagbabantay ay para sa kaligtasan ng publiko at upang masiguro na magiging mapayapa at ligtas ang pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon.











