--Ads--

‎Nanatiling mahina ang bentahan ng Torotot Ngayong Taon, Ikinababahala ng mga Nagtitinda

‎Ikinababahala ng mga nagtitinda ng torotot sa Cauayan City ang patuloy na mahinang benta ngayong taon kumpara sa nagdaang taon, kahit papalapit na ang pagdiriwang ng Bagong Taon.

‎Sa Panayam ng Bombo Radyo Cauayan Kay Ginoong Abdul Bangkaring, isang nagtitinda ng torotot sa lungsod, mas maganda ang naging bentahan noong nakaraang taon dahil dagsa na ang mga mamimili kapag ika-dalawamput Tatlo pa lamang ng Disyembre.

‎Aniya, taliwas ito sa kasalukuyang sitwasyon kung saan nananatiling matumal ang benta hanggang sa kasalukuyan.

‎Ibinahagi rin ni Bangkaring na kadalasang binibili ng mga mamimili ngayon ay ang single na torotot lamang, sa halip na mga set.

‎Dagdag pa niya, sa bisperas ng Bagong Taon ay hindi na sila nagtataas ng presyo at sa halip ay handa pa umanong magbaba ng halaga upang maubos ang kanilang paninda at mabawi man lamang ang puhunan.

‎Sa kasalukuyan, ang presyo ng single na torotot ay ₱25, habang ang 3-in-1 na torotot ay nagkakahalaga ng ₱50. Ang 5-in-1 na torotot naman ay nasa ₱75, at ₱100 ang presyo ng 6-in-1 na torotot.

‎Umaasa pa rin ang mga nagtitinda sa Cauayan City na kahit sa huling araw ng taon ay bahagyang lalakas ang benta upang maiwasan ang pagkalugi.