--Ads--

Iginiit ng Union Tricycle Operators and Drivers Association of Cauayan City (UTODACC) na hindi pa epektibo ang bente-pesos na pamasahe sa mga tricycle hangga’t walang pormal na ordinansa mula sa lokal na pamahalaan, sa kabila ng patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Rolando Lanuza, Vice President ng UTODACC, impormal lamang naipaalam sa kanila ang bagong taas-pamasahe at wala pa silang natatanggap na opisyal na dokumento o pirma mula sa lokal na pamahalaan. Hangga’t walang pormal na ordinansa na naipapasa, hindi pa nila ito ginagamit sa kanilang mga pasahero.

Bagaman may mga pasaherong nagbabayad na ng bente pesos, lalo na ang mga estudyante, pinananatili ng samahan ang disiplina at respeto sa mga pasahero. Mas pinipili ng UTODACC na ayusin ang mga reklamo at problema ng pasahero sa maayos na paraan o sa pamamagitan ng kanilang pederasyon.

Pinayuhan din ang mga drayber na iwasang manigarilyo habang nagtatrabaho at hinihikayat ang mga pasahero na huwag ding manigarilyo sa loob ng tricycle upang mapanatili ang kaayusan at kalinisan.

--Ads--

Nanawagan ang UTODACC sa lokal na pamahalaan na maipasa na ang pormal na ordinansa sa taas-pamasahe upang mas mapagaan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng petrolyo sa mga drayber.