Mariing pinabulaanan ni dating Executive Secretary Lucas Bersamin ang pahayag ng Presidential Communications Office (PCO) na siya ay nagbitiw umano sa puwesto “out of delicadeza,” at iginiit na hindi siya nag-resign bago ilabas ng Malacañang ang anunsyo.
Ayon kay Bersamin, ang tanging dokumento na kaniyang isinumite ay ang liham na nilagdaan lamang niya kahapon, Nobyembre 18.
Tinuligsa nito ang timing ng anunsyo ng PCO, na lumabas noong Nobyembre 17, isang araw bago niya lagdaan ang kanyang liham kung saan hindi rin siya kinonsulta bago ipalabas ang pahayag.
Aniya. masarap pakinggan na siya ay nag-resign dahil sa delicadeza subalit wala umano itong katotohanan.
Dagdag niya, ang kaniyang tenure bilang Excutive secretary ay “at the pleasure of the President,” at handa siyang umalis anumang oras na ipag-utos ng Pangulo.
Aminado si Bersamin na nasaktan siya sa pangyayari subalit hindi na umano niya ito masyadong pagtutuunan ng pansin dahil maaaring nagkami lang ng akala ang PCO.









