--Ads--

Mas paiigtingin ng Bureau of Fire Protection (BFP) Cauayan ang kanilang fire safety inspections ngayong Pebrero bilang paghahanda sa Fire Prevention Month na magsisimula sa Marso.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Fire Chief Inspector Francis David Barcellano, Fire Marshall ng BFP Cauayan, layunin nilang maging mas maayos at transparent ang inspeksyon sa pamamagitan ng paggamit ng Body-Worn Cameras (BWC) sa kanilang mga operasyon.

Ayon kay FCINSP. Barcellano, sa kasalukuyan, nakatanggap na ang BFP Cauayan ng anim (6) na unit ng body cameras. Naghihintay pa rin sila ng karagdagang dalawang unit, kasama na ang mga SD card at extra batteries, dahil limitado ang battery life at storage capacity ng mga kasalukuyang kagamitan, ayon sa isinagawang seminar ng ahensya.

Dagdag pa niya, istriktong ipinatutupad ng kanilang tanggapan ang rekomendasyon sa paggamit ng mga fire extinguisher, ngunit nakadepende sa mga mamimili kung anong brand ang gagamitin nila.

--Ads--

Aniya, ang hakbang na ito ay bahagi ng mas malawak na programa ng BFP sa buong bansa para sa pagpapatibay ng fire safety at kaligtasan ng publiko.