CAUAYAN CITY – Mahigpit na ipinagbabawal ng Bureau of Fire Protection (BFP) Cauayan City ang pagsusunog ng mga solid waste, kasama na ang agricultural waste tulad ng mga taniman ng mais, talahiban at mga puno.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay SFO3 Benjamin Amistad Jr., Deputy City Fire Marshal ng BFP Cauayan City, sinabi niya na ang pagsusunog ay paglabag sa Republic Act 9514 at Republic Act 9003 (Fire Code of the Philippines).
Aniya, dahil sa sunud-sunod na naitatalang malawakang grass fire sa lungsod ay kanila na itong iniimbestigahan at kung mapapatunayang sinadya ito ay puwedeng makulong ang may kagagawan.
Inirekomenda naman ng BFP sa publiko lalo na sa mga naninirahan malapit sa mga bukirin o talahiban na ugaliing maglinis ng bahay at linisan ng dalawa hanggang tatlong metro ang paligid ng bahay upang hindi madaling madamay sa sunog kung sakali mang magkaroon ng insidente ng grass fire.
Sa mga residential house naman ay ugaliing maglinis ng mga saksakan ng appliances, dahil ang maalikabok na saksakan ay maaari ring maging sanhi ng sunog.