Bilang paghahanda sa pagdagsa ng publiko nalalapit na Kapaskuhan, magsasagawa ang Bureau of Fire Protection (BFP) Cauayan ng advance inspection sa mga malls at iba pang business establishments sa lungsod.
Ito ay alinsunod sa direktibang ibinaba ng kanilang higher office upang matiyak ang kaligtasan ng mamamayan sa panahon ng holiday rush.
Ayon kay FCINSP Francis David Barcellano, hepe ng Cauayan City Fire Station, kabilang sa mga tututukan ng inspeksyon ang mga malls, hotels, at mga tindahang nagbebenta ng Christmas lights.
Aniya, taun-taon ay may mga lumalabas na produkto na hindi pasado sa standards o walang DTI seal — isang pangkaraniwang sanhi ng sunog tuwing Kapaskuhan.
Kasama rin sa kanilang pagsusuri ang pagtiyak na ang mga establisyimento ay sumusunod sa fire safety requirements tulad ng automatic sprinkler system, smoke detectors, laminated exit signs, fire safety apparatus, at ang regular na pagsusumite ng fire safety maintenance report.
Idinagdag ni Barcellano na kanilang sisiguruhing mananatiling accessible ang mga fire exits, lalo na sa mga malls na karaniwang naglalagay ng movable carts sa hallways na maaaring humarang sa emergency pathways.
Layunin ng BFP Cauayan na mapanatili ang ligtas at maayos na daloy ng holiday season habang pinoprotektahan ang publiko laban sa anumang posibleng panganib ng sunog.











