Nagpapatuloy ang ginagawang pagsisiyasat ng mga awtoridad kaugnay ng nangyaring sunog sa residential area sa San Fermin, Cauayan City, Isabela nitong Martes, Enero 20.
Limang bahay ang natupok ng apoy kung saan tatlo rito ang totally burned habang ang dalawa ang partially damanged.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay FCInsp. Francis David Barcellano ng BFP Cauayan, ibinahagi nito na batay sa inisyal na pagsisiyasat, maaari umanong nagsimula ang sunog sa naiwang nakasinding stove.
Batay kasi sa pakikipag-ugnayan ng kanilang hanay sa mga residente sa lugar, nagsimula umano ang sunog sa dirty kitchen ng isang bahay kung saan bago ang insidente ay nagluto umano ang isang lola sa naturang kusina gamit ang isang stove na ginagamitan ng kerosene.
Matapos magluto ay umalis umano ang lola subalit batay sa kaniya ay pinatay naman nito ang stove bago umalis.
Hinila naman nila na maaaring hindi nito gaanong napatay ang lutuan na na siyang pinagsimulan ng sunog. Gayunpaman, nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon ng BFP upang matukoy ang tunay na sanhi ng sunog.
Ayon kay FCInsp. Barcellano, magkakadikit ang mga bahay sa lugar at karamihan sa mga ito ay gawa sa light materials dahilan upang mabilis na kumalat ang apoy.
Sa ngayon ay hindi pa matukoy ang halaga ng kabuuang pinsala.











