Nagdudulot ng mabagal na proseso sa pagkuha ng mga dokumento, partikular sa building permit, ang Fire Safety Inspection System (FSIS) ng Bureau of Fire Protection (BFP) Cauayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Fire Chief Inspector Francis Barcellano, Fire Marshal ng BFP Cauayan, sinabi niyang isa sa mga pangunahing dahilan nito ay ang kakulangan ng kaalaman ng ilang mamamayan sa tamang paggamit ng sistema sa pag-aapply ng permit.
Dagdag pa ni Barcellano, nahihirapan ang ilang aplikante—lalo na ang mga nakatatanda—sa paggamit ng online system dahil sa kakulangan ng kaalaman sa teknolohiya. Bukod dito, may mga pagkakataon ding bumabagal o nagla-lag ang mismong FSIS platform, na nagiging sanhi ng pagkaantala sa pagproseso ng mga dokumento.
Bilang tugon, nakatakdang makipagpulong ang BFP Cauayan sa Business Permit and Licensing Office (BPLO) upang talakayin ang mga hakbang na maaaring gawin upang mapabilis at mapadali ang proseso ng pagkuha ng permit.
Isa ito sa mga prayoridad na plano ni Fire Chief Inspector Barcellano bilang bagong hepe ng BFP Cauayan, lalo na sa pagpasok ng buwan ng Enero.
Ayon pa sa kanya, layunin ng kanilang tanggapan na mapabuti ang serbisyo ng BFP sa publiko sa pamamagitan ng mas maayos, mabilis, at epektibong sistema ng pagproseso ng mga dokumento.











