CAUAYAN CITY – Nagsagawa ng outreach program ang BFP City of Ilagan sa Agta Community sa Brgy. Cabisera 10 sa lungsod ng Ilagan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Fire Chief Inspector Franklin Tabingo, City Fire Marshall ng BFP City of Ilagan sinabi niya na aabot sa animnaput limang pamilya na binubuo ng 170 na mga Agta ang nabigyan nila ng tulong pangunahin na sa mga school supplies ng mga bata.
Katuwang nila sa outreach program ang isang organisasyon mula sa Gamu Isabela kung saan nagsagawa sila ng feeding program.
Aniya simple lamang ang kanilang naipamahaging tulong ngunit hindi matutumbasan ang ngiti ng mga Agta na masayang tinanggap ang tulong.
Masaya naman ang pamunuan ng BFP City of Ilagan dahil sa simpleng tulong na ito ay nakapagpasaya sila ng ibang tao lalo na sa mga Agta.
Ayon kay FCInsp. Tabingo, ito ay inisyatiba ng BFP na hindi lamang tumutulong sa mga mamamayan kung may sunog kundi laging nakaagapay sa lahat ng oras at anumang pagkakataon.
Tiniyak naman niya na kada kwarter ay magsasagawa sila ng outreach programs sa mga indigenous groups sa lungsod.
Maliban dito ay may isasagawa rin silang outreach programs sa mga Indigenous groups sa bayan ng Divilacan at nasa labing isang pamilya ang naimbitahan na dadalo para mabigyan ng tulong.