CAUAYAN CITY – Hindi pa man sumasapit ang buwan ng Disyembre ay nagbigay na ng paalala ang Cauayan City Fire Station sa mga nagbabalak bumili ng mga paputok o mga firecrackers.
Kasunod ito ng ilang mga firecracker vendor na nagtutungo sa kanilang tanggapan para magpasuri sa lokasyon at stall kung saan sila magtitinda.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay SFO2 Maricar Castillo, sinabi niya na may ilan na silang inaprubahang mga lokasyon sa Cauayan City kung saan pwedeng magtinda ng firecrackers.
Ayon sa opisyal pasado sa kanilang inspeksyon ang lokasyon pagdating sa usapin ng mga patitinda ng paputok.
Dagdag pa niya, saklaw lamang ng kanilang pagsusuri ang fire safety ng lugar at kung gaano kalayo sa mga residential area ang mga nagtitinda ng firecracker.
Aniya, magsasagawa rin ng panibagong inspeksyon ang Department of Trade and Industry sa mga ibebentang paputok sa Lungsod.