--Ads--

Pinaalalahanan ng Bureau of Fire Protection ang publiko matapos ang naganap na sunog sa Solano Nueva Vizcaya dahil sa Solar Power System.

Ayon sa ulat, tinatayang umabot sa P200,000 ang halaga ng pinsalang iniwan ng sunog.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay FO3 Arnel Mallari ng BFP Solano, sinabi niya na una silang nakatanggap ng tawag ng concerned citizen kaugnay sa naganap na sunog na agad naman nilang nirespondehan.

Sa kabutihang palad, wala naman umanong nasaktan sa nangyaring insidente dahil nataon na lumabas sa kanilang tahanan ang mga indibidwal na nakatira rito.

--Ads--

Dahil sa mabilis na pagresponde ng mga bumbero ng BFP Solano, mabilis na naapula ang apoy at nailigtas rin ang mga alagang hayop na naiwan sa bahay.

Posible umanong nagkaproblema sa wire ng solar panel battery pack dahil ayon mismo sa may-ari ng bahay, nagloloko umano ang nabanggit na solar noong mga nakaraang araw.

Pinaalalahanan naman niya ang publiko na mas mabuting kumunsulta sa mga electrical expert o electrical engineer kapag nagpakabit ng Solar Panel na mayroong battery pack sa kanilang mga bahay upang masiguro ang ligtas na paggamit nito.