CAUAYAN CITY – Sang-ayon si F/Chief Insp Jude Delos Reyes, spokesman ng Bureau of Fire Protection (BFP) National Headquarters sa pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na armasan ang mga bumbero dahil kabilang sila sa uniformed agencies ng pamahalaan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni F/Chief Insp Delos Reyes na ang mga bumbero noong nasa ilalim ng Philippine Constabulary Integrated National Police(PC/INP) ay may mga armas at isa sa kanilang training ang markmanship o skill sa shooting.
Gayunman, nang pagtibayin ang Republic Act 9263 o reorganisasyon ng PNP, BFP at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na nasa ilalim ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ay tumutok na sila sa kanilang mandato sa pagtugon sa sakuna, pag-apula ng sunog, rescue operation at pagiging first responder sa kasagsagan ng kalamidad.
Sinabi pa ni Delos Reyes na walang magiging problema sakaling armasan sila ng pamahalaan bilang tugon sa kautusan ng pangulo dahil mayorya sa kanilang mga personnel ay nagtapos sa Philippine National Police Academy (PNPA).
Tiniyak niya na handa ang kanilang hanay na sumailalim sa karagdagang pagsasanay bilang pagsuporta sa PNP.
Samantala, isinailalim ang ilang special units ng BFP sa Weapon for Mass Dectruction (WMD) training bilang paghahanda sa posibleng banta ng terorismo sa bansa.
Ayon kay Delos Reyes, naging katuwang sa training ang ilang U.S. counterpart bilang paghahanda sa posibilidad ng pag-atake ng mga terorista gamit ang tinatawag na Weapons of Mass Destruction (WMD) tulad ng nuclear, biological, chemical at mechanical warfare.
Layunin ng training na maturuan ang mga kasapi ng special units ng BFP ng mga paraan at kagamitan sa tamang pagtugon sa mga biktima ng Weapons of Mass Destruction.