CAUAYAN CITY – Nanungkulan na kahapon si BGen Laurence Mina bilang bagong commander ng 5th Infantry Division Philippine Army sa Camp Melchor Dela Cruz sa Gamu, Isabela.
Pinalitan niya si MGen Pablo Lorenzo na umabot na sa mandatory retirement age at nagdiriwang ngayon ng kanyang kaarawan.
Ang Change of Command ceremony kahapon sa 5th ID ay pinangunahan ni MGen Reynaldo Aquino, Deputy Chief ng Philippine Army.
Si BGen Mina ay may matibay na pundasyon sa 5th ID na sinimulan ang kanyang karera sa militar sa pamamagitan ng pagsisilbi at pagtulong sa kanyang mga nasasakupan laban sa mga komunistang grupo.
Siya ay na miyembro ng PMA Bigkis Lahi Class 1990 at unang nanilbihan bilang platoon leader at battalion commander ng 17th Infantry Battalion, naging assistant Chief of Staff for Operations G3 noong 2011 hanggang 2014, naging 5th ID Chief of Staff noong 2018 at naging commander ng 502nd Infantry Liberator Brigade.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Major Noriel Tayaban, hepe ng Division Public Affairs Office (DPAO) ng 5th ID, sinabi niya na sa kanyang talumpati ay inihayag ni BGen Mina na ipagpatuloy niya ang mga programa at proyektong sinimulan ni MGen. Lorenzo upang wakasan na ang local armed conflict para makamit ang pangmatagalang kapayapaan at patuloy na pag-unlad sa mga nasasakupang lugar.
Hinikayat din niya ang mga pinuno at tauhan ng 5th ID na maging professionally competent, maging focus sa pagtupad sa kanilang tungkulin para sa mahusay na paglilingkod sa taumbayan at pagbabantay sa seguridad ng bansa.














