Inaresto ng Bureau of Immigration Isabela (BI) ang ang pitong Chinese at Isang taiwanese noong Setyembre 23 sa isang mining site sa Dinapigue, Isabela dahil sa umano’y kakulangan ng mga kaukulang dokumento para sa kanilang pananatili at pagtatrabaho sa bansa.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan Kay Alien Control Officer Laurente Tumaliuan ng BI Isabelap, isinagawa ang operasyon sa pakikipagtulungan ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno, kabilang ang Armed Forces of the Philippines, Philippine Navy, Philippine Army, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), National Bureau of Investigation–Isabela District Office, at lokal na pulisya ng Dinapigue.
Dagdag pa niya, bago ang pag-aresto, binigyan ng pagkakataon ang mga dayuhan na magprisinta ng kanilang mga dokumento. Gayunman, lumabas sa beripikasyon na ang kanilang mga papeles ay kulang o hindi tama, kabilang ang permit na umano’y inisyu ng isang NGO na walang legal na awtoridad para gawin ito.
Dinala ang mga naarestong dayuhan sa Maynila upang isailalim sa booking at kasalukuyang naka-detain sa BI detention facility sa Taguig habang hinihintay ang proseso ng kanilang deportation.
Batay sa paunang imbestigasyon, lumabag ang mga dayuhan sa Philippine Immigration Act of 1940, kabilang ang pagtatrabaho nang walang kaukulang visa o permit, pagiging undocumented, at paglabag sa kondisyon ng kanilang pananatili sa bansa.
Patuloy umano ang koordinasyon ng BI Isabela sa iba pang ahensya upang maisiwalat ang ganitong uri ng paglabag.
--Ads--









