Nanawagan si House Deputy Speaker at Quezon Representative David “Jayjay” Suarez ng pagsisiyasat sa Kamara hinggil sa mabilis na pagtaas ng presyo ng langis sa bansa sa kabila ng sinasabing sapat na suplay nito.
Ayon kay Suarez, kung may sapat pang reserba ng langis ang bansa, dapat maipaliwanag kung bakit agad naipapasa sa mga mamamayan ang epekto ng pagtaas ng presyo na inuugnay sa tensyon sa Gitnang Silangan.
Nakapaloob ang panukalang imbestigasyon sa House Resolution No. 852 na kanyang inihain, na layong busisiin ang naging batayan ng mga oil companies sa pag-aadjust ng pump prices at kung may sapat na hakbang ang pamahalaan upang maprotektahan ang mga konsyumer.
Kasabay nito, hiniling din ni Suarez sa Department of Energy na magsumite ng komprehensibong ulat ukol sa galaw ng presyo ng langis, kasalukuyang imbentaryo, mga ginagamit na benchmark, at ang legal na basehan ng mga posibleng ipatupad na emergency measures.











