Iginiit ng National Public Transport Coalition (NPTC) na hindi dapat nagtaas ng pamasahe ang ilang mga Bus company sa bansa sa kabila ng pagsuspinde ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa fare hike.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay NPTC Convenor Ariel Lim, sinabi niya na naiintindihan nila ang reklamo ng ilang mga mananakay subalit malaking katanungan dito ay kung alam ba ng mga operators ang biglaang pagtaas sa singil sa pamasahe.
Aniya, may nakakarating sa kanilang impormasyon na hindi ito alam ng ilang mga operators na nangangahulugang ang mga konduktor at driver lang ang nagdesisyon na taasan ang pamasahe.
Aminado si Lim na apektado rin ng husto ang mga bus companies sa pagsirit ng presyo ng mga produktong petrolyo ngunit dapat ay inantay muna nila ang tulong mula sa Pamahalaan na nakalaan para sa kanila.
Samantala, sa kasalukuyan ay wala pang naibibigay na fuel subsidy sa mga operators dahil tanging ang ₱5,000 lamang mula sa AICS ng DSWD ang kanilang natatanggap.











