--Ads--

Hindi naaprubahan ng Kongreso ang panukalang dagdag na sahod para sa mga minimum wage earners sa private sector matapos mabigo ang bicameral conference committee na pag-isahin ang magkaibang bersyon ng Senado at Kamara sa huling araw ng sesyon ng 19th Congress.

Sa kabila ng naunang pagsang-ayon ng Senado sa ₱100 Daily Minimum Wage Hike Bill, hindi ito in-adopt ng Mababang Kapulungan, na patuloy namang iginiit ang ₱200 wage hike isang halagang itinuturing na hindi kakayanin ng maliliit na negosyo.

Ayon kay Senator Migz Zubiri, may-akda ng Wage Hike Bill, ginawa ng Senado ang lahat upang ipaglaban ang karapatan ng mga manggagawa. Gayunman, kung tatanggapin ng Senado ang panukala ng Kamara, tiyak umano itong mave-veto ng pangulo.

Samantala, sinabi ni Senate President Chiz Escudero na walang sapat na pag-aaral ang Kamara sa ₱200 wage hike at ipinasa lamang ito sa huling linggo ng kanilang sesyon.

--Ads--

Binanggit din niya na hindi dapat ipasa ang sisi sa Senado dahil Pebrero 2024 pa nila inaprubahan ang panukalang dagdag na sahod, habang matagal itong inupuan ng Kamara.