Umakyat na sa 91 katao ang nabiktima ng paputok sa buong bansa mula Disyembre 21 hanggang 27, ayon sa talaan ng Department of Health (DOH).
Mas mababa ito ng 34% kumpara sa parehong panahon noong 2024.
Naitala ang pinakamataas na bilang ng kaso sa National Capital Region na may 40, sinundan ng Ilocos Region na may 10 at Western Visayas na may 8. Karamihan sa mga naapektuhan ay mga batang lalaki na may edad 10 hanggang 14 taon.
Ayon sa DOH, nangunguna sa mga sanhi ng pinsala ang 5-star, kasunod ang mga hindi matukoy ang uri ng paputok, na posibleng ang mga biktima ay hindi direktang gumamit nito. Sumusunod naman ang boga, kwitis, at pla-pla.
Una nang nagpaalala ang ahensya na mapanganib ang anumang paputok, ilegal man o legal na ibinibenta.
Samantala, umakyat din sa 168 ang kabuuang bilang ng mga kaso ng non-communicable diseases tulad ng stroke, heart attack, at asthma na naitala sa parehong panahon, ayon pa sa DOH.
Sa bilang na ito, 105 ang kaso ng acute stroke, 42 ang acute coronary syndrome o heart attack, at 21 ang bronchial asthma.











