CAUAYAN CITY- Nabawasan ang bilang ng mga Chinese Coast Guard sa karagatang sakop ng Bajo de Masinloc sa kasagsagan ng Balikatan Exercises ngunit dumami naman ang bilang ng mga Chinese maritime Militia vessels.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Lt. Col. Rodrigo Lutao, Public Information Officer ng Northern Luzon Command, sinabi niya na bago magsimula ang Balikatan Exercises ay maraming Chinese Coast Guard Vessels ang naroon sa lugar ngunit sa ngayon ay dadalawa na lamang ang mga ito.
Aniya, bagamat bumaba ang bilang ng mga chinese coast guard ay marami naman ngayon ang bilang ng mga Chinese Maritime Militia vessels ang nasa Bajo de Masinloc na umabot na ng labing anim.
Kung tutuusin aniya ay wala ni isang barko ng China ang dapat naroon dahil hindi naman iyon sakop ng kanilang teritoryo.
Pinipilit lang umanong mga Chinese Coast Guard at militia vessels ang manatili sa nasabing karagatan dahil sa layunin nilang maangkin ang karagatang sakop ng ating bansa.
Maliban sa mga barko na nas Bajo de Masinloc ay mayroon din silang namataan na mga barko ng China sa Philippine Rise ngunit hindi naman ito pumasok sa continental shelf ng bansa.
Samantala, wala pa naman silang na-monitor na pangugulo ng mga barko ng China sa mga isinasagawang aktibidad na bahagi ng Balikatan Exercises.
Ngunit kung sakali man aniyang manggulo ang China ay tuloy pa din ang Balikatan Exercises at hindi ito mapipigilan ng naturang bansa.
Aniya, may karapatan ang Pilipinas na magsagawa ng mga aktibidad sa sarili nitong teritoryo hangga’t wala silang nilalabag na batas.
Wala naman silang plano na itaboy ang mga barko ng China basta’t wala silang gagawing hakbang na makakasama sa pwersa ng Pilipinas.
Nangako naman si Lt. Col. Lutao na patuloy ang gagawin nilang paggampan sa kanilang mga tungkulin sa pagpapanatili ng seguridad sa teritoryo na sakop ng Pilipinas.