Pumalo na sa 24,221 na indibidwal sa Lambak ng Cagayan ang apektado sa pananalasa ng bagyong Emong at Habagat.
Ito ay kinabibilangan ng 7,028 na pamilya mula sa 194 barangay sa Rehiyong Dos.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Director Lucia Alan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region 2, sinabi niya na 33 pamilya o 116 indibidwal mula sa nabanggit na datos ay nasa evacuation centers habang 7 pamilya o 29 katao naman ang nasa labas ng evacuation center o nakikisilong pansamantala sa kanilang mga kaanak o kapit-bahay.
Mayroon naman isang bahay ang naitalang totally damaged at 5 ang partially damaged – ito ay naiulat pa noong kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Crising sa Lambak ng Cagayan.
Sa ngayon ay umabot na sa 1,601,336.19 pesos ang kabuuang Humanitarian Assistance na naiabot ng DSWD sa mga apektadong pamilya.
Ayon kay Alan, nakahanda pa rin ang kanilang mga standby funds at naka-repositioned na ang mga relief goods sa mga local government units para sa agarang pamamahagi ng tulong.
Napamahagian naman na ng family food packs ang 1,025 pamilya sa Itbayat, Batanes at 5 pamilya sa bayan ng Ivana na naapektuhan ang hanap buhay dahil sa magkakasunod na kalamidad.










