Tumaas ang bilang ng mga nabiktima ng paputok na dinala sa Cagayan Valley Medical Center o CVMC ngayong taon.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Cherry Lou Molina Antonio, Medical Center Chief ng CVMC sinabi niya na umabot na sa sampu ang naitala nilang firecracker related injuries na nadala sa kanilang emergency room mula nang magsimula ang kanilang monitoring noong Dec. 21, 2024 hanggang kahapon, January 1, 2025.
Mataas na ang bilang na ito sa nasabing ospital dahil limang kaso lamang ang naitala nila noong nakaraang taon.
Minor injuries lamang naman ang halos lahat ng kaso kung saan siyam ang minors at isa ang adult o nasa tamang gulang.
Siyam sa mga ito ay mula sa Cagayan habang ang isa ay mula sa Isabela kung saan ang lima ay gumamit ng paputok na kwitis, tatlo ang gumamit ng boga at isang gumamit ng pla-pla at isang piccolo.
Apat naman sa mga gumamit ng kwitis ay active o mismong nagpaputok habang isa ang passive o natamaan lamang at naputukan.
Samantala kinailangan namang magdagdag ng beds ang CVMC upang makatugon sa dami ng mga biktima ng aksidente ngayong holiday season.
Ayon kay Dr. Antonio, nakapagtala na sila ng 247 na road traffic injuries na nadala sa kanilang emergency room.
Pinakamarami sa mga ito ay mga nakainom ng alak at mga nakamotorsiklo na walang suot na helmet.
Aniya nakakaalarma ang nasabing bilang dahil mataas na ito kung ikukumpara sa nakalipas na taon.
Isa rito ang nasawi at limampu ang kailangang I-admit sa ospital habang ang natitira ay paunang lunas na lamang ang ginawa at nakalabas din ng ospital dahil galos lamang ang kanilang tinamo sa aksidente.