CAUAYAN CITY- Patuloy pang nadadagdagan ang bilang ng mga atleta at delegasyon ng Region 2 na nakakaranas ng pananakit ng tiyan, pagduduwal at dehydration sa kasagsagan ng Palarong Pambansa sa Ilocos Norte.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay DepEd Regional Director Dr. Benjamin Paragas, sinabi niya na unang makapagtala ang medical team ng walong (8) atleta na nakaranas ng pananakit ng tiyan kung saan patuloy na nadagdagan hanggang sa huling tala 89 na atleta na mula sa Region 2 ang nakaranas ng Stomach Flu.
Dalawa sa mga atleta ang kinailangan isugod sa ospital para malapatan ng atensyong medical.
Bagamat may mga atleta silang gumagaling, araw-araw ay nakakapagtala sila ng bagong nagkakasakit na nakakaranas ng pananakit ng tiyan, pagduduwal at may sintomas na ng dehydration.
Batay sa pakikipag ugnayan ng Food Safety Compliance Officer at medical team lumalabas na ang mga atletang nakaranas ng pananakit ng tiyan ay bumili ng street foods sa labas ng kanilang billeting quarters.
Bilang paunang hakbang ay pinag sabihan na ang mga coach na bantayan ang mga atleta at hanggat maaari ay pagbawalan na munang bumili ng pagkain sa labas ng kampo.
Natuklasan din sa ginawang water testing ng Municipal Health Office ng Baccara Ilocos Norte na may contamination sa tubig na inumin ng mga atleta na nag mula sa maruming water dispenser.
Sa ngayon ay nagkaroon sila ng total clean-up ng mga water dispenser maging ng buong billeting quarter para mapanatili ang kalinisan.
Bumili na ang delegasyon ng DepEd Region 2 ng mga bottled waters na siyang gagamitin dahil pansamanatalang pinag bawalan muna lahat ng mga atleta na gamitin ang mga maruming dispenser.
Tuloy-tuloy din ngayon ang ginagawang inspections sa mga food handlers para matiyak na mapanatali ang maayos na kalusugan ng mga atleta habang nagbigay na rin ng medical supply ang MHO Baccara sa mga apektadong estudyante.
Sa pinakahuling ulat ilan sa mga atletang tapos na ang mga laro ay pinabalik na sa Lalawigan ng Cagayan dahil sa pagkakasakit.
Aminado naman si Dr. Paragas na malaki ang epekto ng pagkakasakit ng mga atleta ng Rehiyon Dos sa overall standing sa Palaro lalo at maraming mga atleta sana ang inaasahang hahakot ng gold medal sa swimming, athletics at ball games.
Sa kasalukuyan ang CAVRAA ay may isang gold medal,tatlong silver,at labing tatlong broze medal.
Samantala, inaasahang madadagdagan pa ang mga mahahakot na medalya sa Aero Gymnastics, Women’s Artistic Gymnastics, Wushu,Dance Sports at Arnis.











