CAUAYAN CITY – Patuloy na nadadagdagan ang mga naitatalang kaso ng African Swine Fever o ASF sa lalawigan ng Isabela batay sa monitoring ng Provincial Veterinary Office.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Belina Barboza, Provincial Veterinary Officer, sinabi niya na pinakahuling nagreport ng kaso ang Brgy. Samonte sa Quezon Isabela at ang dalawang barangay sa San Guillermo pangunahin ang Brgy. Estrella at Centro II at isang Brgy. ng Gamu Isabela.
Sa kanilang monitoring nasa pitong munisipalidad na sa Isabela ang apektado ng panibagong outbreak ng ASF sa lalawigan.
Ito ay kinabibilangan ng Angadanan, San Guillermo, San Manuel, Quezon, Echague, Gamu at Cordon Isabela.
Apektado naman dito ang 136 na hograisers sa 33 na barangay at nasa 489 nang baboy ang na-cull.
Patuloy naman ang surveillance ng Provincial Veterinary Office at kapag may mga namamatayan ng baboy ay kaagad silang nagkokolekta ng blood samples upang malaman kung ASF ang dahilan ng pagkasawi ng mga baboy.
Nagsasagawa na rin sila ng seminar sa mga punong barangay pangunahin na sa mga apektadong lugar upang mabigyan sila ng awareness sa pag-iwas at pagkontrol sa nasabing virus.