--Ads--

Umakyat na sa 72 ang bilang ng nasawi sa malakas na lindol na yumanig sa Cebu batay sa pinakahuling ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ngayong Huwebes ng umaga,

Ayon sa Office of Civil Defense (OCD) Region 7, nadagdagan ng tatlo ang mga nasawi mula 69 kahapon, at mahigit 200 ang nasugatan.

Batay sa datos ng NDRRMC, 294 ang kabuuang bilang ng mga sugatan sa lindol.

Sa ngayon wala pang naitatalang missing pero patuloy ang ginagawang paghuhukay sa mga gumuhong istruktura para tiyaking walang na-trap.

--Ads--

Matatandaan na niyanig ng 6.9 na lindol ang Bogo city, Cebu pasado alas-9 ng gabi noong Martes, naramdaman ang Intensity VII (Bogo, Daanbantayan, Medellin, San Remigio, Tabuelan)

Dahil sa lindol umabot na sa 47,221 na pamilya o 170,959 katao ang apektado habang nasa 20,000 katao ang lumikas mula sa kanilang mga tahanan.

Sa ulat ng PHIVOLCS, kabuuang 2,461 aftershocks ang naitala hanggang alas-6 ng umaga ng Huwebes, ngunit 13 lamang ang naramdaman ng publiko.

Inaasahan pa rin ang mga aftershocks sa mga susunod na araw o linggo, ngunit unti-unti raw bababa ang lakas at bilang ng mga ito.

Ayon sa PHIVOLCS, ang lindol sa Bogo City ay ang pinakamalakas na naitalang lindol sa hilagang bahagi ng Cebu. Dulot ito ng isang offshore fault na nasa loob ng 5 kilometro mula sa baybayin.