
CAUAYAN CITY – Tumaas ang bilang ng mga tinamaan ng dengue hemorrhagic fever ngayong Mayo 2022 kumpara sa katulad na panahon noong 2021.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Dr. Glen Matthew Baggao, medical center chief ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC) sa Tuguegarao City na mula Mayo 1-27,2022 ay mayroon na silang naitala na 83 dengue cases.
Karamihan sa mga tinamaan ng sakit ay mga bata na umabot sa 46 habang 37 a ang mga adult.
Ang mga kasalukuyang naka-admit sa CVMC ay tatlong bata at 15 adult.
Ayon kay Dr. Baggao, ang nakakalungkot ay dalawang bata na mula sa Iguig at Solana, Cagayan at isang adult mula sa Gattaran, Cagayan ang nasawi dahil sa dengue.
Karamihan sa mga tinamaan ng dengue ay mula sa lalawigan ng Cagayan at mayroon ding mula sa Apayao at Kalinga.
Sinabi ni Dr. Baggao na maituturing nang nakakaalarma ang pagdoble ng bilang ng mga nagkasakit ng dengue at mayroon pang mga namatay.
Ang nakikitang sanhi ng pagdami ng kaso ng dengue ay ang hindi paglilinis ng kapaligiran na pinamumugaran ng mga pesteng lamok tulad ng kanal na hindi dumadaloy ang tubig.
Maiiwasan aniya ang mga lamok na carrier ng dengue fever kung malinis ang kapaligiran.
Pinayuhan ni Dr. Baggao ang publiko na kapag may naramdamang sintomas ng dengue tulad ng mataas na lagnat, rashes sa katawan at nose bleeding ay agad na magpakonsulta sa doktor.




