CAUAYAN CITY – Tumaas ang bilang ng mga turista sa Abuan River sa lunsod ng Ilagan ngayong semana santa.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Sangguniang Panglunsod member Jay Eveson Diaz na ngayong taon mula noong Enero ay ang Abuan River ang pinakapatok sa mga turista sa lunsod dahil sa lahat ng tourist destinations sa lunsod ng Ilagan ay ito ang mas pinupuntahan ng mga tao.
Inasahan na aniya nila ito lalo ngayong semana santa kaya inihabol din nila ang pagdevelop sa Abuan River.
Bukod sa Abuan River ay marami rin ang namamasyal sa Ilagan Sanctuary.
Aniya, dati ay barangay ang namamahala sa nasabing ilog pero dahil sa mga naitalang insidente tulad ng pagkalunod sa nagdaang taon at sa hindi masyadong maayos na management sa mga basura ay tinake-over na ng pamahalaang lunsod ng Ilagan ang pamamahala.
Dahil dito ay hinigpitan din ang operasyon tulad ng pagtatalaga ng lugar na pwedeng puntahan lang ng mga bata, bilang ng alak na pwedeng dalhin ng mga nagpupunta sa lugar at nagtalaga na rin sila ng oras na pwede lamang lumangoy.
Bagamat ipinagbawal ang paglangoy sa gabi ay may semi night market naman na pwedeng puntahan ng mga tao.
Tinig ni SP member Jay Eveson Diaz.