--Ads--

Umaabot na sa anim ang bilang ng mga indibidwal na nasawi dahil sa road traffic accidents ngayong holidays.

Sa datos ng Department of Health (DOH), mula sa lima na naitala hanggang kamakalawa, Disyembre 30, 2024, ay nadagdagan ito ng isa pa hanggang kahapon.

Halos lahat sa kabuuang bilang ng namatay sa aksidente ay walang suot na safety gears tulad ng helmet at seatbelt.

Sa anim na nasawi, apat ang binawian ng buhay dahil sa motorcycle accident.

--Ads--

Samantala, iniulat din ng DOH na nakapagtala pa sila ng 39 bagong kaso ng aksidente sa kalsada sa nakalipas lamang na magdamag.

Dahil dito, umaabot na sa 496 ang total ­cases ng mga aksidente sa kalsada simula Dis­yembre 22 hanggang 6:00AM ng Disyembre 31, 2024 lamang.

Mas mataas ito ng 33% kumpara sa kahalintulad na petsa ng nakaraang taon.

Sa kabuuang bilang ng road accidents, 356 ang kinasangkutan ng mga motorsiklo at 83 sa naaksidente ay nakainom ng alak, 427 ang hindi gumamit ng safety accessories.

Muling pinaalalahanan ng DOH ang publiko na palagiang magsuot ng helmet at seatbelt kung sasakay ng motorsiklo o anumang uri ng behikulo.

Kung nakainom naman ng alak, dapat na iwasan ang pagmamaneho upang makaiwas sa aksidente.

Dapat ding sundin ng mga drivers ang speed limits at road signs, at tiyaking may sapat na tulog bago magmaneho.

Sakaling magkaroon ng emergency sa kalsada, tumawag sa 911 emergency hotline o 1555 DOH emergency hotline.