Umakyat na sa 188 ang bilang ng mga nasawi dahil sa Bagyong Tino habang 135 pa ang patuloy na pinaghahanap at 96 naman ang nasugatan, ayon sa Office of Civil Defense (OCD)
Batay sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC, sinabi ni OCD Deputy Spokesperson Diego Mariano na ang mga bilang ng nasawi ay sumasailalim pa sa beripikasyon at maaaring magbago.
Pinaka-maraming naiulat na nasawi sa lalawigan ng Cebu na umabot sa 139, matapos nitong maranasan ang matinding ulan at pagbaha dulot ng bagyo.
Samantala, 24 ang nasawi sa Negros Occidental, 9 sa Negros Oriental, 6 sa Agusan del Sur, 3 sa Capiz, 2 sa Southern Leyte, at tig-isa naman sa Antique, Iloilo, Guimaras, Bohol, at Leyte.
Sa mga 135 nawawala, pinakamarami pa rin sa Cebu na may 79, sinundan ng Negros Occidental na may 39, at Negros Oriental na may 17.
Ayon pa kay Mariano, karamihan sa 96 nasugatan ay mula rin sa Cebu sa bilang na 84, habang may 7 sa Negros Occidental, tig-dalawa sa Surigao del Norte at Leyte, at isa sa Surigao del Sur.
Batay sa situation report ng NDRRMC, aabot sa 2,258,782 katao ang naapektuhan ng bagyo, kung saan 397,634 ang nananatili pa rin sa mga evacuation center.
Umabot naman sa ₱10.6 milyon ang pinsala sa agrikultura at ₱6.3 milyon sa imprastraktura.
Naitala rin ang 9,585 bahay na napinsala — 9,321 dito ang bahagyang nasira at 264 ang tuluyang winasak.
Bago tuluyang lumabas ng Philippine Area of Responsibility o PAR nitong Huwebes ang bagyong Tino, walo (8) beses na nag-landfall at nag-iwan ng matinding pinsala sa iba’t ibang bahagi ng Visayas at Mindanao.











