--Ads--

Ilang katao ang napaulat na nawawala sa timog-silangan ng Brazil nitong Miyerkules, Pebrero 25 matapos ang malakas na pagbaha na ikinamatay ng hindi bababa sa 30 katao sa estado ng Minas Gerais.

Nagpatuloy ang rescue operations habang inaasahan ang patuloy na pagbuhos ng malakas na ulan sa rehiyon sa mga susunod na araw.

Lahat ng mga nasawing biktima na natagpuan sa ngayon ay mula sa mga lungsod ng Juiz de Fora at Ubá, na nasa humigit-kumulang 310 kilometro hilaga ng Rio de Janeiro.

Ayon sa fire department ng Minas Gerais, 33 katao pa rin ang nawawala at humigit-kumulang 3,000 residente ang napilitang lumikas mula sa kanilang mga tahanan.

--Ads--

Ayon sa City Hall ng Juiz de Fora, humigit-kumulang 600 pamilya na nakatira sa mga delikadong lugar ang ililipat sa mga lokal na paaralan na ginawang pansamantalang evacuation centers. Binanggit din na doble ang dami ng ulan na bumagsak sa lungsod kumpara sa karaniwang inaasahan para sa Pebrero. Ayon kay Alkalde Margarida Salomão, hindi bababa sa 20 landslide ang naiulat mula nang magsimula ang malakas na pag-ulan noong Lunes ng gabi.

Noong Martes, Pebrero 24, sinabi ni Pangulong Luiz Inácio Lula da Silva sa kanyang social media na ipinadala na ang mga security forces para sa rescue missions upang magbigay ng agarang tulong sa mga apektadong residente.