Nadagdagan pa ang bilang ng mga nasawi sa paglubog ng M/V Trisha Kerstin 3 matapos makarekober ang Philippine Coast Guard ng apat pang bangkay sa isinagawang underwater operations nitong Martes. Dahil dito, umabot na sa 62 ang kumpirmadong nasawi sa trahedya.
Batay sa pinagsama-samang datos, nasa 293 katao ang nailigtas mula sa insidente, habang 17 pa ang nananatiling nawawala at patuloy na hinahanap ng mga awtoridad.
Ayon sa PCG, ang opisyal na bilang ay resulta ng magkatuwang na beripikasyon ng Philippine National Police-Scene of the Crime Operatives, City Disaster Risk Reduction and Management Office, Coast Guard District Southwestern Mindanao, at ng mga apektadong pamilya na araw-araw na nakikipag-ugnayan sa interagency search and rescue teams.
Umalis ang barko mula sa Port of Zamboanga City patungong Jolo, Sulu noong gabi ng Enero 25 ngunit lumubog sa karagatan ng Basilan kinabukasan, Enero 26.
Nauna nang inihayag ng Department of Transportation na posibleng overloading ang isa sa mga nakikitang dahilan ng trahedya, batay sa kabuuang bilang ng mga nasawi, nakaligtas, at nawawala kumpara sa itinakdang passenger capacity ng naturang sasakyang pandagat. Patuloy pa rin ang imbestigasyon upang matukoy ang iba pang posibleng sanhi ng paglubog ng barko.











