--Ads--

Apektado ang mga bilihan ng school supplies at uniform sa pribadong pamilihan ng Cauayan dahil sa pagsulputan ng online selling sa bansa.

Hindi maitatanggi ng mga nagtitinda sa palengke na minsan ay mas tinatangkilik pa ng mamamayan ang online, subalit ang ilan naman ay bumibili lang sa palengke kung gusto nilang makita ng aktwal ang mga paninda.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Maribel Panuncio, tindera, sinabi niya na sa 17 taon niyang pagtitinda sa palengke ay naranasan lamang ang matinding pagbabago at tumal ng bentahan simula noong pandemya.

Nang mauso aniya ang online shop at malalaking mall sa lungsod ng Cauayan ay bilang nalang din ang nagtutungo sa palengke upang bumili.

--Ads--

Sa ngayon na ilang linggo na lamang bago ang pasukan ng mga estudyante ay bilang pa rin ang mga bumibili kung saan tinatayang 2-3 indibidwal lamang ang bumibili kada araw.

Ang mga maagang bumili ay sinadya umanong bumili ng maaga upang matiyak na mas mababa ang presyo kung ikukumpara sa rush hour na pagbili.

Hinihikayat naman ng mga tindera ang mamamayan na pisikal na mag tungo sa mga bilihan upang makita ang kalidad ng mga gamit at upang hindi masayang ang kanilang pera sakaling hindi pala maganda ang ide-deliver sakanila na mula sa online shop.

Samantala, ngayon ay wala pa namang pagbabago sa presyo ng school supplies at uniform subalit hindi matitiyak ng mga nagbebenta kung hanggang kailan magiging stable ang presyo.