--Ads--

Walang atletang nasaktan matapos masunog ang billeting quarters sa kasagsagan ng Provincial Meet sa Nueva Vizcaya.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay FO1 Louis Andaya, Public Information Unit Staff ng BFP Bayombong, sinabi niyang pasado alas-5 ng hapon nitong Disyembre 4 nang sumiklab ang sunog sa Satellite Office ng LGU Alfonso Castañeda sa Barangay Magsaysay, Bayombong, Nueva Vizcaya.

Ayon sa kanya, tinatayang 80 katao, kabilang ang mga atleta at mga guro, ang pansamantalang nanunuluyan sa dalawang palapag na lodging na may 12 kuwarto.

Mapalad na walang nasaktan, at agad na nakalabas ang mga atleta nang sumiklab ang apoy na tumupok sa tatlong kuwarto.

--Ads--

Sa inisyal na imbestigasyon, tinitingnan ang overloading bilang isa sa mga posibleng sanhi ng sunog, lalo na’t maraming estudyante sa lugar na maaaring sabay-sabay na gumamit ng kuryente.

Sa ngayon, nagsasagawa na sila ng mas malalim pang imbestigasyon sa sanhi at pinagmulan ng sunog.

Tinulungan naman ng LGU Bayombong ang mga naapektuhang student-athlete na agad ding sumabak sa kani-kanilang mga laro.

Nagpaalala rin ang BFP Bayombong sa publiko na maging mapanuri at gumamit lamang ng mga lehitimong ilaw ngayong holiday season upang makaiwas sa kahalintulad na pangyayari.