--Ads--

Inilabas ng Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela ng damage report kaugnay ng matinding pinsalang iniwan ni bagyong Uwan.

Ayon sa inilabas na datos ng Provincial Engineer’s Office, umabot sa dalawampung (20) tulay ang nasira o napinsala sa iba’t ibang bayan at lungsod. Kabilang dito ang tatlong tulay sa Lungsod ng Cauayan, apat sa Echague, isa sa Burgos, lima sa Sto. Tomas, isa sa Quirino, isa sa Jones, isa sa San Isidro, isa sa Lungsod ng Ilagan, at tatlo sa bayan ng Delfin Albano.

Maliban sa mga tulay, napinsala rin ang ilang mahahalagang imprastraktura. Sa Cauayan City, dalawang ospital ang nagtamo ng malaking pinsala; sa Ilagan City, isang ospital at sports complex; at sa Echague naman, isang ospital at grain center ang naapektuhan. Sa kabuuan, umabot sa ₱857,410,000 ang halaga ng napinsalang imprastraktura sa buong lalawigan.

Ayon kay Exiquiel Quilang, tagapagsalita ng Provincial Information Office ,mas malaki naman ang naitalang pagkalugi sa sektor ng agrikultura na umabot sa ₱1.31 bilyon. Tinatayang 3,800 ektarya ng taniman ng mais ang nasira, habang higit 7,300 ektarya naman ng high value crops ang naapektuhan ng bagyo.

--Ads--

Nakapamahagi naman ang pamahalaang panlalawigan ng 7,800 food packs sa mga apektadong residente, bukod pa sa 5,000 food packs mula sa Provincial Social Welfare and Development (PSWD). Nagpaabot din ng tulong ang International Organization for Migration (IOM) sa pamamagitan ng pamamahagi ng tents, relief goods, tarpaulins, at iba pang kagamitang pang-emergency.

Bagama’t malaki ang naging pinsala, ipinagpasalamat pa rin ng pamahalaang panlalawigan ang zero casualty na naitala sa kasagsagan ng pananalasa ni Uwan—isang indikasyon, ani Quilang, ng mahusay na koordinasyon at pakikiisa ng mga residente sa mga direktiba ng pamahalaang panlalawigan.

Tiniyak naman ng Provincial Government ng Isabela na kanila nang ilalapit sa National Government ang naturang damage report upang makahingi ng pondo at agad na maisaayos ang mga nasirang tulay, ospital, at iba pang imprastraktura sa lalong madaling panahon.