
CAUAYAN CITY – Nagpakamatay ang isang binata sa pamamagitan ng pagbigti gamit ang cable wire.
Ang nasawi ay si Reynold Rivera, 28 anyos, walang asawa at residente ng Mambabanga, Luna Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMS Allan Barredo ng Luna Police Station, sinabi niya na sa kanilang isinagawang imbestigasyon ay walang nakitang foul play sa pagkamatay ng binata na umano ay may matinding problema.
Agad na tumugon ang mga miyembro ng Luna Police Station sa natanggap na impormasyon at natagpuan ang katawan ni Rivera sa kanilang tindahan.
Nag-iwan ang binata ng suicide note at nakasaad dito na dumaranas siya ng matinding depresyon dahil sa problema.
Nakasaad din sa kanyang suicide note ang pagpapaalam niya sa kanyang pamilya at kahilingan na tatlong beses siyang palitan ng magandang damit sa kanyang burol.
Ayon kay PMS Barredo, sinabi ni tatay ng binata na nalugi ang kanilang negosyo kaya isa rin ito sa tinitingnang anggulo sa pagpapakamatay ng binata.
Nauna nang nagtangkang magpakamatay si Rivera ngunit naagapan.










