CAUAYAN CITY – Nauwi sa trahedya ang pakikipaglaro sa irrigation canal ng isang lalaking may espesyal na kondisyon sa pag-iisip matapos na malunod sa Rizal, Santiago City.
Ang biktima ay si Jerome Alnajes, 32 anyos at residente ng PuroK 5, Rizal, Santiago City.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Santiago City Police Office (SCPO) Station 1 sa pamamagitan ni PCpl. Jan Ghran Bayang, nagkayayaang maligo sa irrigation canal na bahagi ng Barangay Batal ang biktima at dalawang kapitbahay.
Habang lumalangoy ay lumusot ang biktima sa daluyan ng tubig para magpakita ng tricks.
Gayunman, ilang minuto na ang nakalipas ay hindi pa umaahon ang biktima kaya humingi na ng tulong ang kanyang mga kasama.
Sa pagtutulungan naman ng Presinto Uno at Rescue 1021 na agad nagtungo sa lugar nang mapag-alaman ang insidente ay natagpuan ang wala nang buhay na katawan ng biktima matapos ang mahigit apat na oras.
Labis naman ang pagdadalamhati ng mga kaanak ng biktima.
Muling nagpaalala ang mga awtoridad sa mga magulang na huwag pahintulutan ang kanilang mga anak na lumabas para maiwasan ang anumang kapahamakan.












