CAUAYAN CITY- Nasamsam ang isang granada, isang itak at apat na maliliit na plastic sachet ng pinatuyong dahon ng marijuana sa isang binata makaraang silbihan ng warrant of arrest sa San Mariano, Isabela.
Dinakip si Rodel Baraquio, 20 anyos, binata at residente ng Del Pilar, San Mariano, Isabela.
Isinilbi ng magkasanib na kasapi ng San Mariano Police Station at ilang kasapi ng 86th Infantry Batallion ang warrant of arrest na ipinalabas ni Judge Rodolfo Dizon ng RTC Branch 18 Ilagan City laban kay Baraquio dahil sa kasong frustrated murder.
Nang makita ng suspek ang mga otoridad ay kaagad na tumakbo ngunit naharang ng mga otoridad.
Nang kapkapan ang suspek ay nakita sa kanyang pag-iingat ang isang granada, itak at 4 na maliliit na plastic sachet ng pinatuyong marijuana.
Si Baraquio ay top 7 most wanted person municipality level sa San Mariano, Isabela.
Ang suspek ay sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ) at Republic Act 9516 ( illegal possession of explosives).




