Hindi na umabot pa ng buhay ang isang binata matapos na malunod sa ilog na nasasakupan ng Barangay Pulay, Luna, Isabela.
Ang biktima ay si Jed Alcaras, 19-anyos, estudyante na residente ng Barangay Puroc Luna, Isabela.
Alas-dos ng hapon ng magtungo sa ilog ang biktima kasama ang kaniyang mga kaibigan para maligo at mangisda, kasama rin umano ang kaniyang tatay na si Roger Alcaras.
Habang inaayos ng biktima ang kaniyang lambat na gagamitin sa pangingisda ay bigla umano itong tinangay ng malakas na agos ng tubig sanhi para siya ay malunod.
Lumipas pa ng ilang minuto na hindi na lumitaw ang biktima bago naipaalam ng mga kaibigan ang insidente sa tatay nito na noon ay abala sa pagluluto ng kanilang kakainin.
Sinubukan ng ama na hanapin ang anak subalit dahil nabigo siya ay humingi na siya ng tulong sa rescue team na nagsagawa ng search and rescue operation.
Nang mahanap ang katawan ng biktima ay may pulso pa ito kaya agad itong dinala sa pamagutan para sana malapatan ng lunas subalit idineklarang dead on arrival ng attending physician.
Dahil sa insidente ay nag paalala ang pamunuan ng Luna Police Station sa mga magtutungo sa ilog ngayong mainit ang panahon maging sa nalalapit na mahal na araw.
Inihayag ni PMaj. Jonathan Ramos ang Officer In Charge ng Luna Police Station, na huwag maligo sa ilog kung nasa impluwensya ng nakalalasing na inumin , aniya hindi ipinagbabawal ang maligo sa ilog subalit dapat iwasan ang mag inuman kahit kasama ang mga kaibigan o kamag anak.
Dapat ding tiyakin ng mga mangingisda na manatili lamang sa mababaw na bahagi lalo at quarry area ang naturang ilog.