--Ads--

CAUAYAN CITY- Nasawi ang isang binata matapos na mabangga ng isang bus ang sinasakyan nitong motorsiklo sa Maharlika Highway, Baliling, Santa Fe, Nueva Vizcaya.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Nueva Vizcaya Police Provincial Office kinilala ang tsuper ng pampasaherong bus na si Russel Mejia, 37-anyos at residente ng Purok 3, Brgy. Loag, San Agustin, Isabela habang ang nasawing biktima ay si Jhon Kefauver Orbano, nasa hustong gulang at residente ng Brgy. Unib, Santa Fe, Nueva Vizcaya.

Sa inisyal na pagsisiyasat ng mga otoridad lumalabas na binabagtas ng bus ang kalsada patungong hilagang direksyon habang ang motorsiklo naman ay binabagtas ang kalsada sa kasalungat na direksyon.

Nang makarating sa pinangyarihan ng insidente ay nag-overtake umano ang bus sa sinusundang behikulo at habang nasa proseso ito ng pag-overtake ay dito nabangga nito ang motorsiklo.

--Ads--

Nagawa pang maisugod sa pagamutan ang binata ngunit idineklarang dead on arrival ng kanyang attending physician.

Dinala naman sa kustodiya ng Santa Fe Police Station ang tsuper ng bus.