
CAUAYAN CITY – Patay na ng matagpuan ang isang binata matapos na magbigti sa Dabubu Grande, San Agustin, Isabela.
Ang lalaki ay itinago sa pangalang Steve, 25-anyos at residente rin ng naturang lugar.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Emmanuel Abella, OIC Station Commander ng San Agustin Police Station, sa isinagawa nilang pagsisiyasat ay naiwan ang binata sa kanilang bahay dahil nagpunta sa San Dionisio, Maddela, Quirino ang kanyang mga magulang.
Hapon na ng makabalik sila at nakita na lamang ang katawan ng lalaki na nakatali sa bubungan ng kanyang kuwarto at wala ng buhay.
Nakita naman sa lugar ang isang suicide note.
Ayon kay PCapt. Abella, maaring nagdamdam ang binata sa kanyang mga magulang nang hindi mapagbigyan ang isa niyang kahilingan o di kaya ay dahil sa problema nito sa kalusugan.
Tiniyak naman niya na patuloy ang pakikipag-ugnayan nila sa mga barangay para maiwasan ang mga ganitong pangyayari.
Tumanggi na rin ang pamilya ng binata na isailalim sa awtopsiya ang katawan ng kanilang kaanak dahil lumalabas namang walang foul play sa pangyayari.










